Muling pinatunayan ng SB19 ang kanilang pagiging Pinoy pop kings, matapos na makihataw na rin sa GENTO dance craze ang ilang K-pop stars.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, mapapanood ang social media accounts ng ilang K-pop stars, gaya ng main dancer ng Super Junior na si Eunhyuk, na full of style at swag sa kaniyang paghataw.

Like a true queen naman si Minzy ng 2NE1 sa kaniyang moves, habang hindi rin nagpahuli sa paghataw si Dayeon ng Kep1er.

Sumabak din sa GENTO dance craze ang Sparkle star at Lapillus member na si Chanty, at ang ka-miyembro niyang si Yue.

Finlex din ni Jungwon ng Enhypen ang kaniyang galawan, pati na rin sina Juyeon at Sun Woo ng The Boyz, at San ng ATEEZ.

“Kasi siyempre, hindi pa naman namin nasabi na napakilala na namin [ang] SB19 sa lahat ng tao sa buong mundo, hindi pa naman totally. Pero dahil sa ginawa namin, it’s just a small, one step forward para ma-promote pa lalo si SB19 sa locals and sa foreign,” sabi ni Stell ng SB19.

Bago nito, dinala ng SB19 ang kanilang GENTO craze sa New York City nang magtanghal sila sa sikat na Times Square.

Bago nito, pinainit na rin nila ang Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California, at nagtanghal din sila sa Washington D.C. bilang bahagi ng kanilang Pagtatag! World Tour. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News