Inaresto ng pulisya ang 28-anyos na lalaki na target ng ikinasa nilang drug buy-bust operation sa Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.

Ang suspek ay nabilhan ng droga ng pulis na nagpanggap na buyer. 

Sa imbestigasyon, dumarayo lang sa lugar ang suspek para magbenta umano ng droga. 

“Itong suspek natin ay hindi po taga Valenzuela at taga Brgy. Bancal Meycauayan, Bulacan. Ito talaga ay boundary sa Valenzuela. Karamihan talaga nung mga binabagsak niyang item dito sa Meycauayan,” ani Police Col. Nixon Cayaban, ang chief of police ng Valenzuela City. 

Nakuha mula sa suspek ang limampu’t walong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P394,000. 

Ayon sa pulisya, ilan sa mga parokyano ng suspek ay construction workers.  

“Itong operation ay dahil tip from ating barangay officials. Ibig sabihin matagal na rin itong minamanmanan at syempre malawak ang kanyang area of transaction,” dagdag ni Police Col. Cayaban. 

Nakakulong ang suspek sa Valenzuela City Police Station. 

Giit niya, hindi siya nagtutulak ng shabu at iniutos lang sa kanya ng kaibigan na iabot ang item.

“Ibinigay lang po ng kaibigan ko hindi ko po alam na ganon po yon. Bitbit ko lang po yung parcel tapos pag-abot po sa akin meron na po humuli sa akin. Hindi ko po alam na droga ang laman,” sabi ng suspek. 

Nasampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

--VAL, GMA Integrated News