Nasawi ang isang pedestrian habang sugatan ang isa pa matapos manaksak ang isang babae sa Times Square, New York, sa Amerika. Ang suspek, patay din matapos niyang sugurin ang mga pulis.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bigla na lamang naglabas ng dalawang kutsilyo ang suspek at nanaksak ng dalawang pedestrian.

Rumesponde ang pulisya at ginamitan nila ng taser ang babae. Pero sinugod pa rin sila ng suspek kaya napilitan na silang paputukan ito gamit ang baril.

Nasawi sa ospital ang isa sa mga biktima, pati na ang suspek. Habang stable naman ang kondisyon ng isa pang biktima.

Narekober ang ginamit na mga kutsilyo ng babae sa krimen.

Batay sa imbestigasyon, hindi planado at walang motibo ang suspek sa pananaksak.

Natuklasan ding may problema sa kalusugan ang babae.—Jamil Santos/FRJ GMA News