Inihayag ng national shipping company ng Saudi Arabia na Bahri na dalawang Filipino seafarers ang nasawi sa isang “security incident” na kinasasangkutan ng barko nitong "SIDR" habang naglalayag sa Strait of Hormuz noong August 31, 2026.
Gayunman, hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang kumpanya tungkol sa sinasabi nitong insidente.
Pero noong Agosto 31, sinabi ng maritime security agency na UKMTO, na isang tanker ang nag-ulat na tinamaan ito ng tatlong hindi hindi batid na projectile habang palabas sa Strait of Hormuz.
Dati nang nagbanta ang Iran sa mga tanker na nagtatangkang dumaan nang wala sa kanilang pahintulot sa nasabing makitid na daanang-dagat.
"Bahri remains in continuous contact with the vessel and is coordinating closely with the relevant authorities and maritime industry stakeholders, while continuing to closely monitor developments," saad sa pahayag ng kompanya.
Isang buwan bago nito, isa pang barko ng Bahri ang tinamaan malapit sa Strait of Hormuz. Ang supertanker na Wedyan ay naglalayag noon malapit sa baybayin ng Oman.
Dalawa pang barko ng Bahri, ang AMZAN at MASA, ang inatake sa Red Sea matapos ideklara ng Houthis ng Yemen, na suportado ng Iran, ang isang naval blockade laban sa Saudi Arabia. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
