Nakabalik na sa bansa nitong Lunes ang ilang overseas Filipino workers na kabilang sa mga na-stranded sa Hong Kong matapos na magkaaberya ang ipinangako sa kanilang tiket pauwi ng kanilang travel agency.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dakong 2:00 p.m. nang dumating sa terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinakyan ng mga OFW mula sa Hong Kong.

Nabulilyaso ang pag-uwi ng mga OFW matapos na hindi maibigay ng PEYA travel agency ang mga binili nilang plane ticket para makauwi sa Pilipinas bago magpasko.

Ang 65-anyos na domestic helper na si Rosamina Concepcion, nanghihinayang sa limang araw na nabawas sa kaniyang bakasyon dahil sa naging problema sa travel agency.

Sa 34 na taon ng pagtatrabaho sa Hong Kong, ngayon lang daw ito nangyari sa kaniya.

Plano na lang daw ng kanilang pamilya na magtungo sa Baguio para doon sulitin ang bakasyon bago siya bumalik sa Hong Kong sa Enero 8.

Kaagad namang inasikaso ng mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga dumating na OFW, na kanilang tinulungan na makabalik sa bansa.

"May magpa-file po ng kaso at tutulungan po ng ating embahada natin sa Hong Kong ang pag-file ng kaso laban sa travel agency na PEYA," ayon kay OWWA Deputy Administrator Brigido Dulay.

Mayroon pang 52 OFW na nabiktima rin ng PEYA ang nakatakdang makabalik sa Pilipinas mamayang gabi.

Sa kabuuan, 102 na OFW ang napauwi ng OWWA ngayong araw ng Pasko, kasama ang mga unang dumating nitong Lunes ng umaga. -- FRJ, GMA News