Laking pasasalamat ng isang overseas Filipino worker na galing sa Saudi Arabia nang maibalik sa kaniya ang pinaghirapang $3,000 na naiwan niya sa sinakyang taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Lunes.

Sa isang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, sinabing sumakay sa yellow taxi na minamaneho ni Gilbert Punzalan ang OFW na si Virgilio Legaspi sa NAIA at nagpahatid sa bus station sa Sampaloc, Manila.

Nang malaman umano ni Legaspi na nawawala ang kaniyang pera at naiwan niya sa taxi, kaagad siyang bumalik sa paliparan.

Samantala, nang mapansin naman ni Punzalan ang puting sobre na naiwan sa taxi, binuksan niya ito at nakita ang $3,000.

Kaagad umanong ipinagbigay-alam ni Punzalan sa kaniyang amo ang nakita pera at bumalik din sa paliparan para maisauli sa may-ari.

"Ako po ay nagpapasalamat kay Bro. [Punzalen]. Honest siya talaga kaya bilib po ako talaga sa kanya. Talagang improved na," sabi Legazpi.

READ: Lisensiya ng taxi driver na sobrang magpatong ng singil sa pasahero, ipapa-blacklist

"Pera lang 'yan madaling kitain. Ang tiwala mawawala sa inyo kung sakaling pag-interesan ninyo ang mga bagay na hindi sa inyo. Sana tularan niyo si Bro sa ginawa niya," dagdag niya.

Napag-alaman na anim na taon nang nagtatrabaho si Punzalan bilang accredited airport taxi driver.

“Alam ko pong pinaghirapan ni sir 'yang perang 'yan. Mahirap pong gastusin ang perang hindi mo pinaghirapan. Mas importante po ang trabaho namin,” pahayag niya.

Ikinatuwa naman ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang katapatan ni Punzalan na isang magandang balita sa harap ng ilang insidente ng pagsasamantala sa mga pasahero ng ilang drayber ng puting taxi na hindi accredited ng paliparan.

READ: MIAA mulls implementing total ban vs. white metered taxis at NAIA

"Ang mga maliliit na kabayanihang tulad ng kaniyang ginawa ay malaking tulong sa ating efforts na mapaganda ang imahe ng NAIA sa mundo," anang opisyal. --FRJ, GMA News