Nagbigay ng paglilinaw ang Manila International Airport and Authority (MIAA) kaugnay sa resulta ng inisyal na imbestigasyon na ginawa nila tungkol sa nag-viral na video ng deported Overseas Filipino Worker (OFW) na nawalan umano ng mga mamahaling gamit sa kanilang checked-in baggage.

Matatandaan sa social media post ng OFW na si Andrew Montes, sinabi nito na dumating siya sa bansa kasama ang co-deportees mula sa Jeddah, Saudi Arabia noong November 17.

Sa video, sinabi ni Montes na sinabihan sila ng Jeddah immigration personnel na i-check-in ang kanilang mga gamit dahil deportee sila.

"Ang sabi po sa mga pulis (Immigration) sa Jeddah bawal po namin bitbitin kahit anong gamit, kailangan daw po namin ilagay sa aming bagahe. Kaya po sinunod namin sila," paliwanag niya sa video na ipinakikita rin ang mga lalagyan ng mga nawala raw nilang mga gamit.

Nalaman daw nila na wala na ang kanilang mobile phone, perang cash, at alahas nang dumating sila sa bansa.

Nang malaman ng MIAA ang tungkol sa insidente, nagsagawa sila ng imbestigasyon at nakipag-ugnayan sa ground handler ng Saudi Airline sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

"It was learned that footage taken from body cameras of their ramp agents revealed no noticeable irregularities or mishandling of baggage," saad ng MIAA sa isang pahayag nitong Huwebes.

Sinabihan din umano ng Saudia Airline si Montes na walang pananagutan ang airline sa mga "undeclared valuable" na inilagay sa mga bagahe.

Ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB), dumulog sa kanilang tanggapan si Montes noong November 20 pero hindi naghain ng reklamo matapos nilang abisuhan na dapat deklarado ang mga bagay na naka-check-in para makakuha ng kompensasyon sa mga nawalang gamit.

Dahil dito, muling nag-aalala ang MIAA sa mga pasehero na sundin ang standard operating procedures ng mga airline, lalo na sa baggage check-in.

May pakiusap din ang opisyal ng MIAA sa pagpo-post sa social media ng mga walang basehang akusasyon.

“Hindi nakakatulong sa ating bansa ang mga akusasyong walang basehan. Dapat maging mahinahon at alamin ang puno't dulo ng lahat. Sa pangyayaring ito, muli na namang nalagay sa masama ang imahe ng NAIA at tingin ng mundo sa ating bansa. Nakakalungkot,” sabi ni MIAA General Manager Ed Monreal. — FRJ, GMA News