Ilang Pinoy ang nakaranas sa malakas na lindol na yumanig sa southern Kenai Peninsula sa Alaska noong nakaraang linggo na may sukat na magnitude-7.0 na sumira ng ilang kalsada.



"It was getting stronger and we were scared. We were terrified that the building might collapse," saad nni Flor Persigas-Weaver nang makapanayam sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes.

Ayon kay Weaver, nasa trabaho siya nang mangyari ang pagyanig.

Bagaman may mga kalsada na lubhang nasira, sinabi ni Weaver na hindi lubos na naparalisa ang transportasyon sa kanilang lugar dahil may mga alternatibong daanan.

Maayos din umano ang kanilang kalagayan at hindi napinsala ang kanilang bahay.

Nauna nang sinabi ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary  Elmer Cato, na walang Pinoy na nasaktan sa naturang lindol

Ayon kay Consul General Henry Bensurto sa San Franciso Philippine Consulate, mahigit 25,000 Pinoy ang naninirahan sa Alaska.

Sa isang video, ipinakita ang pagtakbuhan ng mga tao sa Anchorage airport patungo sa tarmac dahil sa pagyanig.

Sa Wasilla City, isang kalsada ang matinding napinsala at hindi madaanan.

Ang bahay sa Anchorage ng tubong-Laoag City na si Eddie Ruiz, mistulang dinaanan ng bagyo dahil sa mga nagkalat na gamit na nagbagsakan.

Tatlong oras daw nawalan ng kuryente sa kanilang lugar matapos ang pagyanig na nangyari sa kalagitnaan pa man din ng winter. -- FRJ, GMA News