Contestants ng Binibining Bahay Kalinga with their Kaagapay coaches.
Contestants ng Binibining Bahay Kalinga with their Kaagapay coaches. Ronaldo Concha

Sa pagdiriwang ng OFW Month ngayong Disyembre, halos 200 distressed OFWs na pansamantalang nakatira sa Bahay Kalinga sa Philippine Consulate sa Jeddah ang pinasaya ng mga miyembro ng Filipino community nitong nakalipas na Biyernes.

Bumaha ng mga regalo at marami sa mga distressed OFW ang nakatanggap ng pamasko sa isang buong araw na programa na inorganisa ng Ang Kaagapay ng Bawat OFW Migrant Rights Advocates group.

Ilan sa distressed OFWs ang nagpakita ng kanilang mga talento sa iba't ibang patimpalak na inihanda para sa kanila.

Nagpakita naman ng talino sa question and answer portion ng search for Binibining Bahay Kalinga ang anim na contestants na nakapagdadag-kulay sa programa.

Riot sa saya ang naramdaman ng mga manunuod lalo pa't karamihan sa kanila ay nagbigay ng pera sa lahat ng contestants kabilang sina Consul General Edgar Badajos at iba pang mga opisyal ng konsulado.

Sinabi ni Red Bual ng ACTS-OFW Middle East Affairs na ngayon lang siya nakakita ng singing contest maging sa talent portion ng Binibining Bahay Kalinga na may mga nag aabot ng pera.

"One of the best event na aking na-attendnan. Bumaha ng regalo at pera para sa mga kapuspalad nating kababayan na nasa Bahay Kalinga," masayang pahayag ni Bual.

Iba't-Ibang mga kitchen at home appliances tulad ng TV, rice cooker, oven toaster at deep fryer mula sa mga miyembro ng iba't ibang Filipino organizations ang ipina-raffle para sa mga nasa Bahay Kalinga.

Sinabi ni Dhong Decena ng Guardians Brotherhood Inc. (GBI) na kahit ganoong bagay lang ay makapag-ambag sila para mapasaya ang mga distressed OFW.

Hindi rin nawala ang iyakan sa nasabing programa ng ang isang contestant na isang rape victim ay nagpasalamat kay DSWD Social Welfare Attache Priscilla Razon na kung hindi raw sa kanyang pag-alalay at pagbibigay ng lakas ng loob sa kanyang mga pinagdadaanan ay baka nabaliw na raw siya.

Nagpaikot naman ng abuloy para sa isa sa mga distressed na namatayan ng mister ng araw na yun.

Bago magtapos ang programa ay kinantahan ni Badajos ang mga contestant ng Binibining Bahay Kalinga.

"Ang ganda ng event na ito na talagang nagpasaya ng husto hindi lang sa mga taga-Bahay Kalinga kundi maging sa aming mga manunuod," pahayag ni OWWA Welfare Officer Yolanda Penaranda.

Pinasalamatan naman ni Atoy Esguerra, vice chairman ng Kaagapay ng Bawat OFW, ang lahat ng mga sumuporta sa kanila. —KBK, GMA News