Magbubukas ng nasa 1,000 trabaho sa mga hotel ang bansang Israel para sa mga Filipino. Batay ito sa labor agreement na nilagdaan ng mga kinatawan ng Israel at Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Martes, sinabi na ang kasunduan ay nilagdaan nina  Labor Secretary Silvestre Bello III at Israeli Tourism Minister Yariv Levin.

Sa ilalim ng labor agreement, sinabing tinatayang 1,000 trabaho bilang mga tagapaglinis sa mga hotel sa Israel ang bubuksan sa mga Pinoy.

Nang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel nitong nakaraang Setyembre, nilagdaan din ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga Pinoy caregiver na nagtatrabaho sa naturang bansa.

Batay sa pagtaya ng Philippine Embassy sa Israel, mayroong 28,000 Filipino ang nagtatrabaho sa Israel. — FRJ, GMA News