Sa nakalipas na mahigit sampung taon, tiniis ng apat na overseas Filipino workers na malayo sa kanilang pamilya upang magtrabaho sa Iraq. At kahit nais nilang bumalik para makasama ang mga mahal sa buhay sa espesyal na mga okasyon, hindi nila magawa dahil sa pangambang hindi na sila makabalik sa kanilang trabaho dahil sa umiiral na deployment ban sa  nabanggit na bansa na ipinatupad ng Pilipinas mula pa noong 2004.

Pero sa tulong ng Selective Balik Manggagawa Program, nagkaroon ng katuparan ang pangarap nina Nelo Tolibas, tubong Cebu; Teresita Rogel ng Zamboanga; Milbert Dela Paz ng Lucena City; at Edgar Avisado ng Pangasinan, na makapiling ang kani-kanilang pamilya ngayong Pasko.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Strategic Communications Elmer Cato, na 2016 pa nang isulong nila ang Selective Balik- Manggagawa Program para mabigyan ng pagkakataon ang mga OFW sa Iraq na makauwi sa Pilipinas.

Sa ilalim ng naturang programa, papayagan pa rin na makabalik sa kanilang mga trabaho sa Iraq ang mga uuwing OFW at hindi sila masasakop ng deployment ban na ipinatupad mula pa noong 2004 dahil sa nangyayaring kaguluhan doon.

Gayunman, 2017 lang nang aprubahan ng noo'y kalihim ng DFA na si Alan Peter Cayetano ang mungkahing programa, at nitong Setyembre 2018 nang mabuo ng Philippine Overseas Employment Administration ang Governing Board Resolution, ang direktibang naglalaman para tuluyang ipatupad ang programa.

Dahil dito, maaari nang bumalik sa bansa ang mga OFW sa Iraq nang walang pangamba na baka hindi na sila makaalis at hindi na makabalik sa kani-kanilang trabaho.
 
“It was not easy to get our Selective Balik Manggagawa proposal approved but we thank our kababayan in Baghdad and other parts of Iraq for being patient and understanding,” sabi ni Cato.
 
Si Rogel na nagtrabaho bilang dining facility staff sa US Army camp sa Iraq mula pa noong 2008, pinili na manatili sa naturang bansa sa kabila ng peligro dahil batid niyang mahihirapan siyang makahanap ng trabaho sa Pilipinas kapag umuwi dahil sa kaniyang edad.

“Dito sa Pilipinas ay hindi ko makikita ng sahod nang katulad ng ganito. Dito rin ay may age limit, samantalang sa Iraq, walang age limit. Puwede kang magtrabaho hangga’t kaya mo,” saad niya.

“Pag-uwi ko dito, yung mga anak ko ay malalaki na. Yung eldest ko, may asawa’t anak na. May apo na ako,” pagbahagi rin niya.

Si Tolibas na nagtrabaho bilang cleaner sa US military base sa Iraq, 14 na taon nang hindi nakauuwi. Tandang-tanda pa niya ang mga nagaganap na pambobomba sa kanilang lugar.

“Grabe. Maraming rockets, minsan may car bomb. Pagdating ko doon noong 2004 sa Balad, gabi na yun, first time ko pa lang dun, may pinatay na sundalo mismo sa bakod ng kumpanya namin. Ginamitan siya ng sniper ng mga kalaban,” kuwento niya.

Pero kahit magulo, sinabi naman ni  Avisado na nagtatrabaho sa military base bilang security guard, na ligtas ang kanilang lugar dahil napaliligiran sila ng mga tinatawag na "T-walls" o makakapal na cemented materials.

Aminado rin siyang hindi niya maiwan ang kaniyang trabaho sa Iraq dahil sa magandang sahod at libre ang kanilang gastusin kaya nakapagpapadala sila nang maayos sa kanilang pamilya at nakapag-iipon pa.

Kaya naman labis ang pasasalamat nila sa Selective Balik Manggagawa program dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makapiling ang kanilang pamilya at makababalik pa sa kanilang trabaho sa Iraq.
 
“Humingi kami ng tulong na sana ay makauwi kami at makabalik nang wala nang problema sa immigration. Kaya’t nagpapasalamat kami sa DFA at nagawan ng paraan para kaming mga Pilipino na matagal na sa Iraq ay makauwi rin,” pahayag niya.

“Nagpapasalamat kami sa DFA at natulungan nila kami na makauwi. Tinulungan nila kami na makakuha ng OEC (overseas employment certificate), makauwi dito at makita namin ang mahal namin sa buhay, at makabalik kami nang walang problema,” ayon naman kay Rogel. --FRJ, GMA News