Nanawagan ng tulong sa gobyerno ng Pilipinas ang pitong Filipino seafarer na nakakulong ngayon sa Libya dahil umano sa fuel smuggling.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing nais na ng mga Pinoy na makalaya at babalik na lang sa Pilipinas.

Nangako naman ang isang opisyal ng Department of Foreign Affairs na inaasikaso ang kaso ng mga Pinoy sa Libya.

"We're hopeful na maiuwi rin natin sila kaagad and hindi ho namin titigilan 'yan. We will continue to make representations to the Libyan government," pagtiyak ni Assistant Secretary Elmer Cato ng DFA.

Sa Thailand naman, tatlong Filipina ang inaresto dahil umano sa pangangalap ng pondo para umano sa isang charity.

Hindi pa umano malinaw kung ano ang partikular na kaso na isinampa sa tatlo.

Gayunman, tiniyak ng DFA na bibigyan sila ng ang embahada ng Pilipinas sa Thailand ng anumang legal na tulong.-- FRJ, GMA News