Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na mahigit 300,000 trabaho ang bakante sa Japan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng POEA na ang mga bakanteng trabaho ay nasa iba't ibang industriya gaya ng food service, manufacture, food and beverage, care workers, building and cleaning management, construction, aviation, at agriculture.

Maliban pa rito ang technical internship training program.

"Nangangailangan ang Japan ng 345,000 for foreign workers. But it doesn't mean na sa Pilipinas lang 'yon. Maraming mga sending countries, and of course, 'pag Philippines, world class," ayon kay Jocelyn Sanchez, Deputy Administrator, POEA.

Sinabi pa ng opisyal na aabot sa halagang P50,000 ang paunang sahod sa mga trabaho katulad ng construction, at hotel workers.

Ang mga matatanggap sa trabaho, posibleng maisama ang kanilang pamilya sa Japan pagkaraan ng limang taon dahil sa bago nilang programa para sa mga dayuhang manggagawa.

Ayon sa ulat, dumami ang mga kailangang skilled workers sa Japan dahil tumatanda na ang kanilang populasyon at doon din idaraos ang Olympics 2020.

Sinabi ng POEA na mas malaki ang pag-asa na makuha ang aplikante kung TESDA graduate at may sapat na karanasan sa aaplayang trabaho.

Gayunman, kailangan din umanog maipasa ang language proficiency exams at skills test.

Upang matiyak na aprubado ang aaplayang job order, bisitahan ang website ng POEA o makipag-ugnayan sa ahensiya.--FRJ, GMA News