Limang Pinoy crew ng isang ng Taiwanese fishing vessel ang nawawala sa Falkland Islands, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).



Ayon sa DFA,  nawala ang mga Pinoy nang masunog ang sinasakyan nilang barkong pangisda nitong Lunes. Pero wala pa raw silang kabuuang impormasyon kung papaano nangyari ang insidente.

Sinusubukan na raw ng Embahada ng Pilipinas sa London na kumuha ng iba pang impormasyon kaugnay sa nangyari.

Nakikipag-ugnayan din ang DFA sa mga kinauukulang awtoridad at maging sa manning agency ng mga Pinoy seafarers.

Umaasa silang makikita ang mga mawawalang Pinoy.

Ayon kay Ambassador to the United Kingdom Antonio Lagdameo,  69 crew members ng naturang Taiwanese fishing vessel.

Sa panayam ng "Balitanghali" kay DFA Asec. Elmer Cato, sinabi nito na batay pa rin sa impormasyon mula kay Lagdameo,  22 ang kabuuang Pinoy crew sa naturang barko, kabilang ang limang nawawala.

Dagdag niya, papunta na sa Uruguay ang mga Pinoy na nakaligtas para doon isagawa ang repatriation upang makauwi na sila sa Pilipinas.

Nasabihan na rin umano ang mga kaanak ng mga Pinoy na nawawala.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News