Inaresto ng mga awtoridad sa Maynila ang isang Chinese national at tauhan niyang Filipino dahil na umano'y iligal na nangangalap ng mga nais magtrabaho sa China.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang inarestong Chinese national na si Kai Kai Wang alias Jackson, at ang kaniyang sekretarya at kasama sa operasyon na si June Rose Taguba de Agtaran.

Nadakip ang dalawa sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng anti organized and transnational crime division ng National Bureau of Investigation sa opisina nito sa Binondo, Maynila noong Biyernes.

Nasagip din sa naturang operasyon ang limang babaeng aplikante na naengganyo umano ng mga nauna nang na-recruit.

Batay sa reklamong natanggap ng NBI, nangre-recruit umano ang mga suspek ng mga gustong magtrabaho bilang kasambahay, yaya at housekeeper sa China.

Pinapangakuan umano ang mga nire-recruit ng sahod na aabot sa P40,000 kada buwan. Pero pagdating sa China, kalahati lang umano ang nakukuha ng OFW at sa sindikato napupunta ang kalahati.

Lumitaw na hindi accredited ng Philippine Overseas Welfare Administration o POEA para mag-recruit ang mga suspek.

Dahil walang kaukulang visa at working permit ang mga ni-recruit, ipinapasok daw sila sa China mula Vietnam gamit ang mga bangka.

Sinampahan na ng reklamong illegal recruitment at human trafficking ang dalawang suspek na hindi na nakunan ng panig dahil kaagad silang ikinulong sa NBI detention facility. -- FRJ, GMA News