Pansamantalang isinara ang emergency room ng isang ospital sa Sta. Cruz, Laguna, matapos isugod roon ang isang lalaking nakitaan ng sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MERS-CoV infection.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing umuwi sa Pilipinas noong Pebrero 14 ang lalaki na isang overseas Filipino worker mula sa Saudi Arabia.

Dinala sa ospital ang OFW matapos na makaramdam umano ng hirap sa paghinga at pagsasalita.

Kaagad na nagsagawa ng disinfection ang pamunuan ng ospital at hindi rin muna pinalabas ang mga pasyente at kanilang mga dalaw.

Isinailalim sa ilang pagsusuri ang OFW na stable na umano ang kalagayan.
Binuksan din kaninang tanghali ang emergency room ng ospital.

Taong 2012 nang unang nadiskubre sa KSA ang MERS-CoV na isang viral respiratory disease na nagmula sa mga camel.

Ilan sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, hirap sa paghinga, diarrhea, at pneumonia. -- FRJ, GMA News