Tatlong Filipino na nagpunta sa Hong Kong ang nakulong matapos madiskubre na peke ang mga ginamit nilang dokumento para magbukas ng bank account doon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa pahayag ng DFA nitong Miyerkules, sinabing nilitis na sa Eastern Magistrates’ Courts ang mga Pinoy na mga call center nitong Lunes, Pebrero 18, at hinatulan na makulong ng limang buwan.

Nagpunta umano sa Hong Kong ang tatlo sa pamamagitan ng “free Hong Kong tour” noong nakaraang Oktubre.

Bagaman nagawa nilang makapagbukas ng bank account, nagduda ang mga opisyal at inaresto sila nang bumalik sila sa bangko.

Hinihinala ng mga awtoridad na gagamitin sa money laundering activities ang ginawang pagbubukas ng bank account ng tatlo.

Sinabi naman ni Consul General Antonio Morales, ipinagkaloob ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang lahat ng legal na tulong at suporta sa tatlo.

Inaasahan na makalalaya umano ang tatlo sa Marso matapos na maghain ng "guilty plea" sa two counts ng kasong paggamit ng pekeng dokumento. -- FRJ, GMA News