Nakita sa isang bahay sa California, USA ang bangkay ng isang lalaki at isang babae. Ang babae, napag-alaman na isang Pinay na tubong-Iloilo City.


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktimang babae na si Ana Marie Alba, 39-anyos, at isang U.S. federal contractor.

Bukod kay Alba, nakita rin sa naturang bahay ang bangkay  ng isang lalaki na kinilalang si Johny Tu.

Sa imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang isang kaso ng murder-suicide ang nangyari pero hindi pa nila matukoy kung sino sa dalawa ang pinaslang at sino ang nagpakamatay.

Nakatakda umanong iuwi ngayong linggo sa Iloilo City ang bangkay ni Alba matapos ang isang memorial service.

Nagpasalamat naman ang kapatid ni Alba sa lahat ng tumulong para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng kaniyang kapatid.-- FRJ, GMA News