Tanggal sa trabaho at muntik pang makasuhan ang isang kasambahay na overseas Filipino worker matapos na mabisto ng kaniyang amo na may halong ihi ang ipaiinom sa kaniya sa Saudi Arabia.

Ayon kay Nurhasda Latip, liason officer ng Saudi recruitment agency, na mag-deploy sa inireklamong OFW na si "Ana" (hindi tunay na pangalan), sinabi nito na naamoy ng amo na mapanghi ang tubig na iinumin sana.

Dahil nagduda ang amo, dinala nito sa laboratoryo ang tubig at nakumpirma na may halo itong ihi. Kasunod nito ay dinala na sa kanila si Ana para ireklamo.

Nang tanungin daw si Ana, inamin nito na nilagyan nga niya ng ihi ang tubig pero kaunti lang daw.

Napakiusapan naman daw ang amo na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban kay Ana at sa halip ay pauuwiin na lang ito sa Pilipinas.

Nang makaharap naman si Labor Attache Nasser Munder, umiiyak na humingi ng paumanhin si Ana sa kaniyang ginawa.

Ipinaliwanag din niya na nilagyan ng ihi ang iinumin ng amo para umano "bumait."

Muli namang ipinaalala ni Munder sa mga OFW na ipagbigay-alam sa kanila kung mayroon silang mga problema sa amo at huwag gumawa ng mga bagay na pagsisisihan sa huli. -- Ronaldo Z. Concha/FRJ, GMA News