Isang 21-anyos na OFW na wala pang isang buwan na nagtatrabaho sa isang farm sa Australia ang nasawi matapos na tumalon umano mula sa umaandar na sasakyan. Pero duda ang pamilya niya sa nangyari dahil nakatakda na raw itong umuwi sa katapusan ng Marso.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes ng gabi, kinilala ang nasawing OFW na si Jerwin Royupa, tubong-Calasiao, Pangasinan at graduate ng kursong Agriculture.

Dahil sa pangarap na mas magandang buhay, nagpasya umano si Royupa na mangibang-bansa at nagtrabaho sa isang farm sa Australia nitong nakaraang Pebrero.

Pero wala pang isang buwan doon, nagpahiwatig na raw ang OFW sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng chat na nahihirapan ito.

Kinuha rin daw ng kaniyang amo ang passport niya.

Dahil dito, nagpasya na raw ang OFW na uuwi na lang sa Pilipinas sa katapusan ng Marso. Pero hindi nila inasahan na malamig na bangkay na siyang uuwi matapos umanong tumalon mula sa umaandar na sasakyan.

"Nasa hospital daw 'yung kapatid ko. naaksidente at kritikal daw. He suffered critical bleeding sa head, chest and abdomen niya," sabi ni Jamaica Buraga, kapatid ng biktima

Hindi naniniwala ang kapatid ng OFW na sasaktan nito ang sarili at tatalon sa umaandar na sasakyan.

"Mayroon po kaming usapan ni Jerwin na March 30 ang binook na flight, so paano mangyayari na March 14 ihahatid na siya," ayon pa kay Buraga.

Panawagan ngayon ng pamilya ng biktima na magkaroon ng masusing imbestigasyon sa nangyari at makapunta ang isang kapatid nila sa Australia para malaman ang nangyari at makapagsampa ng kaso laban sa amo ng OFW.

Ayo naman kay Alex Ferrer, ng Provincial Employment Services Officer-Pangasinan, iniindorso nila sa Department of Foreign Affairs at iba pang kinauukulang ahensiya ang kaso ni  Royupa.

Kapag naaksyunan na, tiniyak din nila na susubaybayan nila ang magiging hakbang ng pamahalaan at ipapaalam nila sa pamilya ng OFW. --FRJ, GMA News