Natapos na ang bangungot ng isang OFW sa Jeddah, Saudi Arabia matapos siyang makabalik na sa bansa. Bukod kasi sa ilang beses siyang pinagtangkaang halayin umano ng among lalaki, nakaranas din siya ng pagmamalupit sa kamay ng among babae.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Huwebes, sinabing nitong Enero lang nagtungo sa Jeddah ang OFW na itinago sa pangalang Annie, upang magtrabaho doon bilang kasambahay para sa kaniyang pamilya at tatlong anak.

Pero pagkarating pa lang daw niya sa Jeddah, dalawang beses na siyang pinagtangkaang halayin ng amo niyang lalaki

Kahit malaking tao ang amo, pilit na nanlaban daw si Annie. At nang magsumbong siya sa kaniyang agency, pinayuhan lang daw siya na tumigil sa pagtatrabaho para kusa siyang pauwiin.

Pero ang nangyari, nagalit ang kaniyang among babae at pinarusahan siya.

"Sinaktan ako, pinatayo ako, walang kain. Tapos hindi ako pinatulog ng dalawang araw, hindi pinakain," kuwento niya.

Ngunit pa rito natapos ang kaniyang kalbaryo dahil tatlong beses pa siyang pinagtangkaang halayin ng kaniyang amo.

"Nu'ng naghawak na talaga ako ng kutsilyo, sabi ko, 'Lumapit ka kasi papatayin na kita,'" saad niya.

Sa pamamagitan ng social media, nakagawa ng paraan si Annie na humingi ng tulong at kaagad namang kumilos ang embahada ng Pilipinas at mga labor official nang makarating sa kanila ang kaniyang kalagayan.

Nitong nakaraang linggo, nakauwi na sa bansa si Annie, at nangako ang Overseas Workers' Welfare Administration na bibigyan siya ng livelihood assistance at skills training.

Ayon kay Hans Leo Cacdac, administrator, OWWA, sisikapin din nilang ipa-black list ang mga amo ni Annie sa Jeddah, at iimbestigahan ang kaniyang recruitment agency. -- FRJ, GMA News