Isang overseas Filipino worker na ikinandado at ginutom umano ng amo ng halos isang linggo ang sinagip sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video ng OFW na itinago sa pangalang Lorna habang kumakain ng pagkaing galing umano sa basurahan.

"Gutom na po talaga ako. Anim na araw na po ngayon ['di nakakain]. Kakain na lang po ako nito sa basura po, 'yung tira nila kahapon," sabi sa video.

Masuka-suka pa umano si Lorna habang kinakain ang nakuha sa basurahan para lang magkalaman ang sikmura.

Ayon kay Lorna, nagsimula siyang gutumin ng amo na dalawang taon na raw niyang pinagsilbihan nang humingi siya ng isang araw na pahinga at tumanggi siyang maglinis sa bahay ng anak nito.

Dahil hindi makalabas ng bahay, sa social media niya idinaan ang mga hinaing na nakarating naman sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah.

Kaagad naman siyang sinagip sa tulong ng agency na nag-deploy sa kaniya sa Saudi.

"Masaya na po ako. Ang gaan-gaan ng feeling ko po kasi nakalabas na po ako ng bahay ng employer ko," sabi ni Lorna.

Panawagan naman ng OWWA sa iba pang OFW na minamaltrato sa KSA, iwasan na tumakas at hintayin ang gagawing pagsagip sa kanila. 

"Mayroon tayong mga kababayan na nagmamadali [pero] lalong napa-delay ang pag-uwi dahil kinakasuhan sila ng kanilang mga amo ng pagnanakaw," sabi ni Labor Attache Labat Nasser Munder

Inaasikaso na umano ng OWWA ang dokumento para makauwi na sa Pilipinas si Lorna. --FRJ, GMA News