JEDDAH, Saudi Arabia — Apat na mahihirap na kabataan sa Pilipinas ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo matapos ang matagumpay na pagtatanghal ng children’s choir group na Serenata nitong Sabado nang gabi dito.

Ang Serenata, isang non-stock, nonprofit at caused-oriented organization dito sa Jeddah, ay nagpapaaral ng mga kapuspalad pero matatalinong kabataan sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang taunang concert.

Itinatag noong 2005 ng OFWs na sina Sylvia delos Santos, Desil Manapat, at Louis Bautista, binubuo ang Serenata ng mga anak ng mga OFW na edad walo hanggang 14 taon at ilang OFWs na may talento sa pag-awit.

Ang pondo na kanilang nalilikom mula sa mga manunuod at sponsors ang siya nilang ginagamit sa pagpapaaral sa mga kapuspalad na kabataan sa Pilipinas.

Sa ika-14 na taon nitong nakalipas na Sabado, hinarana ng Serenata ang mahigit 700 manunuod kabilang ang ilang banyaga mula sa America, Asia, Africa at Arab countries na ginanap  sa auditorium ng International American School in Jeddah.

Ilan sa mga kinanta ng grupo ay mga awiting Pilipino tulad ng Leron Leron Sinta at Sitsiritsit Alibangbang.

Sa panayam sa kanilang musical director na si Sylvia delos Santos, buong pagmamalaki nitong sinabi sa GMA News na umabot na sa 146 kabataan ang napag-aral ng Serenata simula ng kanila itong itatag.

"Sa 146 [na kabataan], 19 na ang napagtapos ng Serenata at may walong kabataan naman ang nakatakdang magtapos itong taon na ito," aniya.

Pinuri naman ni Consul General Edgar Badajos ang Serenata na hindi lang daw pagpapakita ng talent ang kanilang ginagawa kundi nakatutulong pa sila sa mga hindi makapag-aral na mga kabataan sa Pilipinas.

"Simply amazing, napakagaling ng grupong ito at ang kagandahan nito ay marami silang natutulungan na mga kabataan na magkaroon ng pagkakataon na makapag aral," ani Badajos.

Maging ang bagong principal ng International Philippine School in Jeddah na si Miracle Falculan Tapado ay gulat na gulat sa talentong ipinakita ng Serenata sa una niyang pagkakataong makapanuod ng kanilang concert.

"It was superb. Humahanga ako sa organizers sa kanillang matagumpay na konsyerto lalo na sa paghubog ng mga talento ng mga kabataang nag-aaral sa iba't-ibang Philippine School sa Jeddah," sabi niya.

Nagpapasalamat ang kanilang presidente na si Melvin Alejo sa lahat ng mga sumuporta sa matagumpay nilang pagtatanghal, lalo na sa International American School in Jeddah na naging tahanan na ng Serenata sa kanilang taunang panghaharana.  —KBK, GMA News