Kalansay na nang matagpuan sa septic tank ang isang OFW sa South Korea na unang iniulat na nawawala mula pa noong 2015. Ang suspek sa krimen, kapwa niya OFW na nakauwi na sa Pampanga pero patuloy siyang hinabol ng mga awtoridad ng Sokor sa tulong mga awtoridad sa Pilipinas.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng International Operations Division ng National Bureau of Investigation sa Candaba, Pampanga ang suspek na si Yugoslav Magtoto, na bumalik sa bansa noong 2016.

Ang pag-aresto ay ginawa sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court, na hiniling ng mga awtoridad ng South Korea.

Si Magtoto ang itinuturong suspek sa pagpatay sa OFW na si Angelo Camen Claveria, na unang iniulat na nawawala noong 2015.

Pero nitong 2018, may nadiskubreng kalansay sa septic tank, na nang isailalim sa DNA test ay nakumpirmang si Claveria.

Sa imbestigasyon ng South Korean police, napag-alamang na si Magtoto ang huling nakasama ng biktima. Lumabas din na nagkagusto umano ang suspek sa biktima pero tinanggihan siya.

Kahit nawawala na umano si Claveria, nadiskubreng may gumamit pa ang kaniyang debit card at kumuha ng pera.

"Kinuha pa yung kaniyang bag, yung kaniyang phone, yung kaniyang debit card at winidraw pa yung pera ng ating victim to the amount of 47,600 pesos in Korean won," sabi ni Atty. Auralyn Pascual, NBI Deputy Spokesperson.

Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag dahil wala pa umano siyang abogado.

Hinihintay na lang NBI ang extradition request ng South Korea para maibalik sa kanilang bansa si Magtoto para kaharapin ang kasong murder. -- FRJ, GMA News