Nasawi ang isang turistang Pinay nang masagasaan siya ng dalawang motorista habang tumatawid sa California sa Amerika. Ang unang nakabundol sa biktima, napag-alaman na Pinay din.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Marianne Natividad, 48-anyos.

Napag-alaman na bumisita si Natividad sa California mula sa Dubai, United Arab Emirates.

Isang SUV umano ang unang nakahagip sa biktima.

Tumigil daw sandali ang driver ng SUV pero hindi tinulungan ng driver ang biktima na nakahandusay sa kalsada kaya muli itong nahagip ng isa pang sasakyan.

Naaresto ng mga awtoridad ang driver ng SUV kinalaunan na nakilalang si Delilah Paray, 65-anyos,  na isa ring Filipina.

Kasalukuyan umanong nakadetine si Paray, na hindi umano nagbigay ng pahayag.

Wala namang isinampang kaso laban sa ikalawang motorista na nakasagasa sa biktima.

Isang fundraising campaign ang inilunsad para matustusan ang gastusin upang maibalik sa Dubai ang mga labi ni Natividad. —FRJ, GMA News