Isang Pilipino sa Daly City, California, ang nanganganib na maputulan ng mga kamay matapos lapain ng isang asong rottweiler, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Lunes.

Halos isang oras na nilapa ng aso ang mga kamay ni Gil Galang at natigil lamang ito nang barilin ng mga rumespondeng pulis ang rottweiler.

Sa tindi ng paglapa ay nagkaluray-luray umano ang mga kamay ni Galang.

Ayon kay Galang, nagpapahangin lang siya sa bakuran ng kanilang bahay nang bigla na lang siyang atakihin ng aso.

Sinisikap ngayon ng mga doktor sa San Francisco General Hospital na maisalba ang mga kamay ng biktima.

Plano naman ng mga kaanak ni Galang na sampahan ng kaso ang may-ari ng rottweiler. —KBK, GMA News