Gumagawa ng paraan ang Commission on Elections (Comelec) para maipadala sa mga Pinoy na nasa abroad ang kanilang balota upang makaboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting (OAV).

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Huwebes, sinabing hindi maipadala sa ilang Pinoy na nasa abroad ang kanilang balota dahil wala umanong perang pambili ng stamp o selyo.

Ang pagboto sa pamamagitan ng koreo ay isa sa dalawang sistema sa ilalim ng OAV para makaboto sa darating na halalan ang mga Pinoy na nasa ibang bansa.

Nitong Abril 13 nagsimula ang OAV, na matatapos sa mismong araw ng halalan sa Pilipinas sa Mayo 13.

Ang isa pang paraan ng OAV ay ang personal na pupunta ng botante sa embahada o konsulado ng Pilipinas.

Ngayon halalan, sinabing nagkakaproblema sa pagpapadala ng mga balota sa pamamagitan ng koreo dahil walang perang pambili ng selyo ang Department of Foreign Affairs, na ire-reimburse o babayaran naman ng Comelec.

"We have to fund more posts para sa stamps. Although we have estimated it, may mga kulang po talaga. Kaya may mga balota pa pong hindi pa name-mail kasi nga kulang 'yung pondo sa postage. As you know, we had to make do with a reenacted budget up to a certain time," paliwanag ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon.

Sinabi naman ni James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na reimbusement talaga ang kasunduan nila sa DFA.

"But I think the funding for that on the DFA side, medyo hindi, hindi humabol," saad niya.

Bilang solusyon, nagdesisyon ang Comelec en banc na maglabas ng $50,000 o katumbas ng mahigit P2.6 milyon, na dagdag sa nailabas na noong P50 milyon.

"Mag-advance kami ng pera para mabilhan ng postage. Masolusyonan 'yon by allowing the posts, in some cases 'yung posts mismo ang mag-a-advance ng pera.

Tapos ire-reimburse ng Comelec. Again, noong 2016, reimbursement talaga ang style natin kaya hindi tayo nag-provide ng pondo upfront," paliwanag ni Jimenez.

Tiniyak naman ng Comelec na kayang maipadala ang mga balota sa mga botante at maibalik ang mga ito sa mga embahada at konsulado bago ang huling araw ng OVA sa May 13. -- FRJ, GMA News