Kumpara noong Eleksyon 2016, dumami nang mahigit 400,000 o 32 porsiyento ang overseas absentee voters ngayong Eleksyon 2019.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), umabot sa mahigit 1.8 milyon ang mga botanteng Pinoy na nasa iba't ibang bansa.

Ang overseas absentee voters ngayong eleksyon ay kumakatawan sa tatlong porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botante na mahigit 62 milyon.

Pinakamarami sa mga Pinoy sa abroad na bumoto ay nasa Saudi Arabia at United Arab Emirates, na parehong nasa mahigit 300,000.

Sumunod naman ang mga nasa Amerika na nasa halos 200,000, na sinundan ng Canada, Kuwait, Hong Kong, Singapore, Japan, Italy, at Qatar.

Nagsimulang bumoto ang mga Pinoy na nasa abroad noong Abril 13, kung saan mga kandidatong senador at party list group lang ang kanilang ibinoto. -- FRJ, GMA News