Nakabalik na sa Pilipinas nitong Biyernes ng umaga ang 25 OFWs na galing sa Jordan na nagkaproblema sa kani-kanilang mga amo. Samantala, pinoproseso naman ang pagpapauwi sa 11 OFWs sa Libya, na may nagaganap na kaguluhan.

Kasama ng mga OFW na galing sa Jordan nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang bata.

May mga OFW na nagkaproblema umano sa kanilang trabaho, at mayroon din tumakas sa kanilang mga amo.

Sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas, sinamahan sila ni Philippine Embassy Assistant to National Ronald Mangune. May tulong pinansiyal din na ibinigay sa kanila.

Samantala, 11 pang OFW sa Libya ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas, ayon kay Philippine Chargè d’Affaires Elmer Cato.

Sa kaniyang tweet, sinabi ni Cato na ang 11 Pinoy ay inilikas mula sa Tripoli. Dahil dito, aabot na umano sa 55 Pinoy ang natulungan ng embahada.

Patuloy ang paglilikas sa mga Pinoy sa Libya dahil sa nagaganap na civil war sa naturang bansa.

Hinikayat muli ni Cato ang mga Pinoy na nasa Libya na umuwi na muna habang hindi pa nagbabalik ang kaayusan sa naturang bansa. -- FRJ, GMA News