Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na posibleng kailanganin na repasuhin ang kasunduan ng Pilipinas sa Kuwait matapos paslangin at pagsamantalahan ang isang OFW sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.

"I think there should (be a review) because according to Secretary (Silvestre) Bello (III), there has been a breach in the agreement signed by two countries," ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo sa ginanap na pulong balitaan.

Ang tinutukoy ni Panelo na rerepasuhin ay ang memorandum of understanding (MOU) na pinirmahan ng Pilipinas at Kuwait noong May 2018 na naglalayong maprotektahan ang mga OFW sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.

Binuo ang kasunduan matapos na ipatigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng OFW sa Kuwait. Ang deployment ban ay ipinatupad ng gobyerno ng Pilipinas makaraang madiskubre naman ang bangkay ng isang Pinay sa loob ng freezer sa natung dayuhang bansa.

Isang taon matapos mapirmahan ang MOU, pinaslang sa Kuwait ang OFW na si Constancia Lago Dayag, 47-anyos.

"We will wait for the report of Secretary Bello regarding this incident," sabi ni Panelo habang hinihintay pa umano ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

"The Secretary of Labor has already issued an official statement. He's putting the Government of Kuwait to task. He is investigating it, and DFA is waiting for an autopsy report," dagdag ni Panelo.

Nang tanungin kung alam na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyari kay Dayag, sabi ni Panelo, "Siguro he knows naman. He reads news naman."

Sa nakaraang ulat, sinabing hindi pa batid kung sino ang pumaslang kay Dayag bagaman ang amo umano nito ang nagdala sa biktima sa ospital.

READ: DH na nasawi sa Kuwait, binugbog at pinagsamantalahan umano

Napag-alaman din na natapos noon ni Dayag ang kontrata sa amo at bumalik doon para magtrabaho ulit. Wala naman daw inireklamo noon ang OFW laban sa amo.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Balitangali" nitong Lunes, sinabing nakatakda na sanang umuwi sa Pilipinas si Dayag nitong Mayo 16.

Sabi ng isang anak ni Dayag, May 6 daw nang huli niyang nakausap ang ina kung saan ipinaalam nito na uuwi na siya sa bansa matapos ang apat na taong pagtatrabaho sa Kuwait.

Hustisya ang panawagan ng kaniyang mga kaanak sa Angadanan, Isabela.

Hinihintay pa umano ang resulta ng forensic report kaugnay ng pagkamatay ni Dayag.-- FRJ, GMA News