Nasampahan na umano ng kasong kriminal ang nasa likod ng pagpatay at pagsasamantala sa overseas Filipino worker na si Constancia Lago Dayag sa Kuwait.

"The DFA, through the Philippine Embassy in Kuwait, has hired a lawyer, who has already filed a criminal case," saad ng DFA sa pahayag nitong Martes.

Gayunman, hindi sinabi ng DFA kung sino ang kanilang kinasuhan.

Una nang iniulat na ang amo ni Dayag ang nagdala sa kaniya sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

Pero hindi pa matiyak kung ang amo ni Dayag ang nasa likod ng krimen.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," patuloy na nagdadalamhati ang tatlong anak ni Dayag lalo na't kaarawan pa sana ng kanilang ina bukas.

Ayon kay Lovely, dapat ay uuwi na ang ina ngayong buwan at kasama sana sa kanilang plano ang kaunting salo-salo.

Naalala rin niya ang kuwento noon ng kaniyang ina tungkol sa pagseselos sa kaniya ng among babae.

"Pinagseselosan po siya ng kanyang among babae. Meron po yung time na nag-away po sila ni madam Kalema na regarding mga po sa ganyan kaya pinapauwi ko na po siya," sabi ni Lovely.

Pero pinili pa rin daw ng ina manatili sa Kuwait at magtrabaho para makaipon.

Nangangamba naman ang mga naulilang anak ni Dayag na baka baliktarin ang kanyang ina at sabihing namatay ito sa natural cause o sa sakit.

Ayon sa DFA, pinamamadali na nila ang paglalabas ng forensic report ni Dayag para malaman kung ano talaga ang kaniyang ikinamatay.

Inaasahan din na maiuuwi ang kaniyang bangkay ngayong linggo.-- FRJ, GMA News