Dalawang overseas Filipino workers ang nasawi, habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos na mahagip ng isang tren ang sinasakyan nilang kotse sa New Zealand. Ayon sa Philippine Ambassador to New Zealand, kadarating lang sa naturang bansa ng mga biktima para magtrabaho.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Ambassador Jesus Domingo na nangyari ang insidente malapit sa Bay of Plenty sa northern New Zealand dakong 8:15 a.m. [local time].

"May mga kababayan tayong nakasakay sa sasakyan. Tumawid sila sa riles ng train tapos binangga sila ng train. Hindi namin alam kung may problema iyong barrier," sabi ni Domingo.

Hindi pa umano batid ng mga awtoridad kung gumagana ang warning sign sa lugar bago mangyari ang insidente.

Idinagdag niya na malubha ang tinamong pinsala ng dalawa sa tatlong sugatan pero "stable" na umano ang kanilang kalagayan.

Ayon pa sa embahador, noong nakaraang linggo lang dumating sa New Zealand ang mga biktima para magtrabaho bilang fruit pickers.

Papunta umano sa kanilang trabaho ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

"Nakakalungkot, bagong dating lang sila," saad niya.

Hindi pa muna inihayag ni Domingo ang pangalan ng mga biktima dahil inaabisuhan pa lang kani-kanilang mga kaanak at maging ang employer.

Tiniyak naman ng opisyal na tutulungan nila ang mga biktima at pamilya ng mga ito.

"Kailangan malaman namin ang terms of contract, kung long term [sila]. Unang titignan namin iyong sa employer and then kung may kulang na requirements then the government can step in,"sabi ni Domingo. — FRJ, GMA News