Isang Filipina sa Morocco ang nasawi matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang apartment sa Casablanca nitong Sabado, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa inilabas na pahayag ng DFA nitong Lunes, nagpaabot ng pakikiramay ang kagawaran sa pamilya ng naturang Pinay na hindi pa pinapangalanan.

Batay sa impormasyon mila sa Philippine Embassy sa Tripoli, na may hurisdiksyon sa Morocco,  sinabi ni Embassy Chargé d’Affaires Elmer Cato , na nangyari umano ang insidente matapos makipagtalo ng Pinay sa kaniyang amo.

Tinatakasan umano ng biktima ang kaniyang amo nang mahulog ito mula sa apartment matapos gumamit ng tela para makababa.

Nasa kostudiya na umano ng mga awtoridad ang employer ng Pinay habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nagpadala naman ng mga tauhan ang embahada sa Casablanca upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng OFW.--FRJ, GMA News