Bago pa man maisagawa ng isang Pinoy ang pagsunog umano nito sa isang bahay sa New Jersey, USA kung nasaan ang kaniyang dating misis, dumating na ang mga rumespondeng awtoridad.


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang naarestong Pinoy na si Wildemar Dangcil, na nahaharap sa patong-patong na kaso.

Ayon sa Prosecutor's Office ng batay ng Bergen county, binuhusan muna ni Dangcil ng gasolina at tinangka niyang silaban ang isang kotse na sinasakyan ng biktima.

Pero nakatakbo ang biktima patungo sa bahay at doon siya sinundan ng suspek.

Binuhusan din umano ni Dangcil ang palibot ng bahay.

Habang ginagawa ito ni Dangcil, nakatawag na sa Emergency 911 ang biktima kaya bago pa man daw masilaban ng suspek ang bahay ay dumating na ang mga pulis.

Kaagad na tumakas ang Dangcil lulan ng kaniyang sasakyan pero natunton pa rin siya ng mga awtoridad at nadakip pagkalipas ng ilang oras.

Napag-alaman na dati nang pinagbawalan ng korte si Dangcil na lumapit sa dati niyang asawa simula nang mag hiwalay sila.-- FRJ, GMA News