Nagtiwala, namasyal, nakulong sa Hong Kong.

Ito ang nangyari sa 23-anyos na call center agent na si Maureen Gutierrez, na naingganyo umano sa nagpakilalang taga-insurance upang magpunta sa Hong Kong para sa five-day all expense paid tour noong nakaraang taon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Gutierrez na hindi siya nag-isip ng masama sa nag-alok sa kaniya ng libreng biyahe dahil ninang ito ng kaniyang ate.

Bitbit ang P15,000 na pocket money, kinagat ni Gutierrez ang alok at lumipad patungong Hong Kong.

"Paglapag namin sa Hong Kong, nag-antay lang kami sandali. Tapos mayroong dumating na Chinese boss nila, then sila nagbigay ng instructions, pinakain lang kami sandali, pinagpahinga kami. Tapos pinag-open na kami ng bank account," kuwento niya.

Wala raw sa usapan na magbubukas siya ng bank account at pipirma sa isang employment contract.

Pero wala na raw siyang nagawa at napapayag na rin.

"Pagpasok po namin sa bangko, siya ang nag-provide ng information na employee kami ng ganitong kompanya sa Hong Kong. And then makakapag-open kami ng bank account for payroll. That day nakapag-open kami ng tatlong bank account," kuwento pa niya.

Pero hindi nagtagal, may mga pulis na dumating at dinakip siya kasama ang dalawa pa niyang kasama.

Sinubukan daw niyang tawagan ang nag-alok sa kanila ng free tour pero hindi na raw ito sumagot.

Kinalaunan ay nalaman na nila ang nagawa nilang kasalanan na pamemeke ng employment contract.

"Nag-stay po kami sa police station for three days. Hindi po namin alam na sobrang laki noong kaso namin. Doon pa lang, pagpasok ng mga pulis, sinabi nila sa amin na hindi niyo ba alam na 2 1/2 years ang sentensiya sa ginawa niyo," saad niya.

Anim na buwang nakulong sa Hong Kong sina Gutierrez at nakalaya sila at nakauwi ng Pilipinas nitong Abril.

Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation si Gutierrez para isumbong ang nangyari sa kaniya at mabigyan ng babala ang ibang posibleng mabiktima ng katulad na modus.

Pero ayon sa humawak ng sumbong ni Gutierrez, hanggang babala lang muna ang puwede nilang ibigay sa ngayon dahil sa labas ng bansa nangyari ang panloloko sa biktima.

Gayunman, patuloy daw nilang iimbestigahan ang reklamo dahil maaari umanong maraming maloko ang grupong bumiktima kay Gutierrez dahil sa klase ng alok ng mga ito.

"Ang pagbubukas ng bank account, maaaring gamitin sa money laundering, pag-transfer ng pera mula Pilipinas papuntang Hong Kong, mga pera po na ito'y ilegal na kinokolekta. Tapos dinadala sa ibang bansa dun ginagamit," babala ni Atty. Van Homer Angluben, agent-on-case ,NBI Special Task Force. -- FRJ, GMA News