Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tumaas ang bilang ng mga undocumented OFW sa United Arab Emirates na kinakalinga doon ng pamahalaan ng Pilipinas sa Bahay Kalinga.

Sa panayam ng programang "SOS:  Serbisyo on the Spot" ni Rowena Salvacion sa dzBB nitong Biyernes, sinabi ni Bello na nasa 300 undocumented OFWs ang nasa Bahay Kalinga nang magpunta siya doon kamakailan.

"Marami-rami talaga, kasi hindi na tayo nagde-deploy sa UAE. Kaya siguro, sumasama na lamang sila sa mga illegal recruiter. Wala silang mga papeles at illegal sila," ayon sa kalihim.

Nahihirapan din umano ang pamahalaan na mamonitor ang kaso doon ng mga OFW dahil sa kawalan ng rekord.

Karamihan din umano ng undocumented OFWs na nasa Bahay Kalinga ay nakarating sa UAE gamit ang tourist visa.

Gayunman, tiniyak ng kalihim na ginagawa ng Philippine Overseas Employment Office (POLO) ang lahat para matulungan sila at maiuwi sa bansa.

"Yan ang utos ng Pangulo, iligal man o hindi ay dapat bigyan agad ng tamang assistance ng POLO o ng embassy. Tulungan agad-agad, wala nang tanong-tanong pa. Hindi mo na itinatanong kung iligal o hindi," ayon sa opisyal.

Naghahati rin umano ng trabaho ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pagtulong sa distressed OFWs sa UAE.

Sabi ni Belo, ang DFA ang nag-aasikaso sa problema ng mga undocumented OFWs sa UAE, habang ang POEA naman ang bahala sa mga documented OFW na may problema.

Muli ring nagpaalala si Bello sa mga nais magtabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa mga taong nakakausap nila para hindi maging biktima ng illegal recruiters. — FRJ, GMA News