Inilunsad ni Foreign Affairs Secretary Teodoro L. Locsin, Jr. nitong Linggo ang Passport Online Appointment System (OAS) sa Hong Kong, na ginawa sa Philippine Consulate General doon.

Sa pahayag ng kalihim, sinabi nito na layon ng OAS (https://hk.passport.gov.ph/)na mabawasan ang mahabang pila ng mga Pinoy na kumukuha ng pasaporte sa Hong Kong.

“The system, or OAS, aims to slash the long queues for passport appointments in Hong Kong, especially on Sundays, by providing an easy-to-navigate, faster and more convenient way to get a passport appointment,” sabi ni Locsin sa may 200 Pinoy na dumalo sa pagpapasinaya.

 

(Larawan mula sa DFA)

Ang Hong Kong ang kauna-unang lugar sa labas ng Pilipinas na ipinatupad ang OAS.

Nagpasalamat naman si Consul General to Hong Kong Antonio Morales kay Locsin sa pagpili sa Hong Kong na unang nilagyan ng OAS sa labas ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, mahigit 234,000 umano ang mga Pinoy sa Hong Kong, na ang 92 percent ay nagtatrabaho bilang mga kasambahay, na karaniwang Linggo ang day-off.

Noong nakaraang taon, mahigit 48,000 pasaporte umano ang naisyu ng Consulate General sa mga Pinoy sa Hong Kong.

Plano rin ng DFA na makapaglagay ng OAS sa iba pang bansa.--FRJ, GMA News