Dalawang Filipinos ang pinaghahanap ngayon matapos silang tangayin ng malakas na alon sa Freedom Beach sa Phuket, Thailand nitong Miyerkules.

Hindi muna inilabas ng Department of Foreign Affairs ang pangalan ng mga biktima. Pero ayon sa local media sa Thailand, edad 29 at 40 ang mga biktima.

Naglalaro umano sa dagat ang mga biktima habang may bagyo nang tangayin sila ng malakas na alon.

"Ambassador to Thailand Mary Jo Bernardo-Aragon informed the DFA that the embassy was notified by the Royal Thai Police and a group of Filipino tourists in Phuket about the case," ayon sa pahayag ng DFA.

"According to Ambassador Bernardo-Aragon, rescue operations by authorities resumed today," dagdag nito.

Tiniyak naman ng DFA na masusi silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Thailand at handa silang magbigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.--FRJ, GMA News