Isang Pinay nurse sa Saudi Arabia ang natigil sa pagtatrabaho doon matapos siyang akusahan na nagbigay ng mga pekeng dokumento sa Ministry of Health sa nabanggit na bansa.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team," sinabi ni Felirose Lavinia Arnesto, nag-ugat ang problema nang magkamali ng isang verification group, na sumuri sa kaniyang mga dokumento.

Maling sangay daw kasi ng kaniyang eskuwelahan sa Cebu kung saan siya nagtapos ng nursing sa Cebu, ang pinagtanungan ng grupo nang patunay na kaniyang pagtatapos sa kursong nursing.

Dahil maling sangay ang pinagtanungan ng grupo, sumagot ang naturang paaralan na wala silang rekord ng pagtatapos ni Arnesto.

Apat daw ang sangay ng paaralan at hindi raw gumawa ng hakbang ang verification group para alamin ang kaniyang record sa mga ito.

Nalaman lang daw ng OFW ang pagkakamali nang puntahan siya ng mga tauhan ng Ministry of Health sa clinic na kaniyang pinagtatrabahuhan nang isang taon na.

Inakusahan daw siya ng mga tauhan ng health mistry na pineke niya ang kaniyang diploma at hindi siya totoong nagtapos ng nursing sa eskwelahang pinanggalingan.

Dahil sa insidente, pinatigil siya sa kaniyang trabaho at binigyan ng babala na maaaring makasuhan.

Naipaabot na sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang sitwasyon ni Arnesto.

"Kailangan siguro pag-aralang mabuti kung sino yung ano...yung merong principal responsibility to come up with a correst informatiom, kasi kawawa at nag-suffer yung ating kabayan," sabi ni Ambassador to KSA Adnan Alonti.-- FRJ, GMA News