Hinangaan ang katapatan ng mag-asawang Pinoy na nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia matapos na isauli sa may-ari ang nakita nilang bag na may lamang pera na nagkakahalaga ng P500,000.

Pinakalooban ng certificate of appreciation ng Philippine Consulate General sa Jeddah sina Roberto at Farida De Guzman, matapos nilang ibalik ang bag na may lamang 40,000 Saudi Riyals, na pag-aari ng isang Saudi national.

"Half a million pesos 'yan, 40,0000 Saudi Riyals, ang napulot ng mag-asawa. Mahirap ang buhay, pero sa kabila noon ay nakita pa rin ang katapatan ng mag-asawa na talagang nakaka-inspire," sabi ni Consul General to Jeddah Edgar Badajos.

Ayon kay Roberto, nasa isang parking lot sila sa Jeddah nang makita nilang mag-asawa ang isang clutch bag sa semento.

Kinuha nila ang bag at nakita nila ang pera.

Pagdating sa bahay, hinalungkat umano nila ang bag at nakita nila ang ID sa loob.

"Sa hirap ng buhay ngayon, naisip namin 'yun dahil kailangan namin ng pera. Kung hindi namin nakita ang identity card ng mama, hindi namin isosoli kasi hindi namin alam kung saan namin dadalhin iyon," saad ni Roberto.

Kaagad daw silang nakipag-ugnayan sa taong nakalagay sa ID para ibalik ang bag at pera.

"Parang hindi namin maintindihan, parang lumulutang ka sa ere, hindi ko maisip na ganito pala pag nakatulong ka sa, 'pag na isoli mo 'yung nakuha mo. Yung nerbisyos ko nawala na ng naibigay ko na," sabi ng mag-asawa.

Labis naman ikinatuwa ng mag-ari ng bag ang pagkakabalik ng kaniyang gamit at nagpasalamat sa mag-asawa.

Kuwento niya, nakalimutan niya na nailagay niya sa ibabaw ng sasakyan ang kaniyang bag.— FRJ, GMA News