Ipinagbawal na ng pamahalaan ng United States na manatili sa kanilang bansa ang pamilya ng World War II veterans habang naghihintay na makakuha ng kanilang "green card."

Sa isang pahayag, sinabi ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) na ang pagkansela ng Filipino World War II Veterans Parole program ay alinsunod sa executive order noong 2017 ni President Donald Trump.

Sabi ni USCIS Acting Director Ken Cuccinelli, ang kautusan ay, "consistent with the rules that apply to the rest of the world."

"Under these categorical parole programs, individuals have been able to skip the line and bypass the proper channels established by Congress," dagdag niya.

Dahil sa pagkansela sa programa, na hindi pinapayagan ang mga indibidwal na manatili sa US habang naghihintay ng family-based green card. Karaniwan umanong inaabot ng dekada ang pagproseso sa naturang dokumento para maging legal ang pananatili ng pamilya ng beterano sa Amerika.

"Parole is to be used on a case-by-case basis for urgent humanitarian reasons or significant public benefit," sabi ni Cuccinelli.

Dagdag ng opisyal, "USCIS is committed to exercising this limited authority in a manner that preserves the integrity of our immigration system and does not encourage aliens to unlawfully enter the United States."

Noong 2017, inilabas nito ang Executive Order (E.O.) 13767 o  ang Border Security and Immigration Enforcement Improvements.

Ayon kay Sen. Mazie Hirono, may-akda noon ng parole program, inaabot ng hanggang 20 taon bago makakuha ang isang tao ng green card at makasama ng beterano ang kaniyang pamilya sa US.

Bukod sa Filipino World War II Veterans Parole, apektado rin ng kautusan ni Trump ang Haitian Family Reunification Parole.—FRJ, GMA News