Inihayag ng Malacañang nitong Martes na wala pang balak na suspindihin ang pagpapadala ng overseas Filipino worker sa Hong Kong sa harap ng nagaganap na kaguluhan doon bunga ng mararahas na  protesta ng mga residente laban sa kanilang pamahalaan.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, patuloy pa umanong pinag-aaralan ni Labor Secretary Silvestre Bello III kung kailangang magpatupad ng deployment ban sa naturang teritoryo ng China.

“Sabi ni Secretary Bello, mino-monitor nila. Ang protocol nila ngayon is they are asking the Filipinos there to avoid those places kung saan merong protest, marches, para hindi sila madamay. May nadamay na ngang isa, ‘di ba?” sabi ni Panelo sa pulong balitaan.

“Palagi tayong concerned. You know, the President will always be concerned when the safety of our countrymen is at stake,” dagdag niya.

Tinatayang nasa 130,000 ang Pinoy sa Hong Kong na karamihan ay nagtatrabaho bilang mga kasambahay.

Nitong nakaraang Sabado, isang Filipino ang dinakip ng mga awtoridad sa Hong Kong dahil sa hinala na kasama siya sa mga nagpoprotesta.

Napadaan lang umano sa lugar ang Pinoy at pinayagan ding magpiyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.

Patuloy ang mga protesta sa Hong Kong bilang pagtutol sa extradition bill kung saan maaaring litisin sa mainland China ang mga residente ng Hong Kong.

Nais din ng mga nagpoprotesta na magbitiw sa puwesto ang kanilang lider na si Carrie Lam.—FRJ, GMA News