Dahil sa pangamba tungkol sa kontrobersiyal na extradition bill sa Hong Kong, may ilang residente umano doon ang nag-iisip nang lumipat ng bansang matitirhan. Kapag nangyari ito, maaaring mawalan ng trabaho ang mga OFW na nagtatrabaho sa kanila.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing patuloy ang protesta ng mga mamamayan ng Hong Kong kontra sa panukalang extradition bill, kung saan maaaring ipadala sa mainland China ang mga taga-Hong Kong na may kinakaharap na kaso.

Bagaman inihayag na ng kanilang lider ang pag-atras sa naturang panukalang batas, nais pa rin ng mga residente na tuluyan na itong ibasura kaya patuloy pa rin ang mga kilos protesta.

Pinabago ang pagtitipon-tipon ng mga tao sa harap ng Art at Space Museum sa Kowloon. Ito na raw ang pinaka masaya at walang tensyong rally mula nang magsimula ang halos araw-araw na kilos protesta nung Hunyo 9 dahil walang pulis na nagbantay sa paligid.

Naging kasiyahan nila ang pagtutok ng mga laser pointer sa mga pader. Ang kilos protesta ay reaksyon sa pag-aresto sa isang estudyante nitong Miyerkules ng gabi matapos bumili ng laser pointer.

Sabi ng isang kasama sa kilos protesta, nais nilang ipakita sa gobyerno na hindi armas ang laser pointer.

Sa kabila ng mga kilos protesta, inihayag ng isang opisyal ng Philippine Consulate sa Hong Kong na hindi kailangang magpatupad ng deployment ban.

Paliwanag ng opisyal, kahit nagkakaroon ng gulo sa isang lugar, normal naman ang sitwasyon sa iba pang lugar. Bukod dito, kaagad din daw na bumabalik sa normal ang sitwasyon kapag natapos ang rally.

"Ang ating mga kababayan ay patuloy sa kanilang pamumuhay ng tahimik at ang ating mga manggagawa ay nakakapagpatuloy sa kanilang trabaho. So wala pa akong nakikitang dapat ikababahala at tigilan ang pagpapadala ng mangagawa," ayon kay Germinia Aguilar-Usudan, Deputy Consul General.

Inaalala naman ng ilang OFW na baka mawalan sila ng trabaho kapag nagpasya ang kanilang mga amo na lumipat ng bansang titirhan.

Tulad ni Regie del Monte, na nagsabing napapaisip umano ang kaniyang amo na umalis na ng Hong Kong.

"Yung amo ko laking Canada so parang minsan napapaisip din siguro sila. Kasi nga yung mga anak nila tsaka sakaling maipasa yung extradition bill na 'yan," saad niya.

Kapag umalis ang amo ni del Monte, mababasura na ang kaniyang kontrata at dapat niyang bumalik sa Pilipinas sa loob ng loob ng dalawang linggo.

"Malaking epekto 'yan para sa pamilya ko kung mawalan ako ng trabaho, 'di ako makahanap [ng kapalit] malaking epekto para sa mga anak ko," pangamba niya.

Ayon sa ulat, marami pa umanong mga ikakasang rally sa mga susunod na araw. Sa Biyernes, sa Hong Kong International Airport gagawin ang kilos protesta.-- FRJ, GMA News