Isang Pinoy na senior citizen ang inaresto ng mga pulis sa Minnesota, USA matapos masunog ang kanyang van at nadamay ang katabing sasakyan kung saan may natutulog na mga bata.

Arestado si Robert Lino Hipolito at kakasuhan ng manslaughter at negligent fire, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, nagluluto ng almusal si Hipolito gamit ang isang portable stove sa loob ng kanyang van na naka-park sa isang shopping mall.

Umalis umano si Hipolito para bumili sa loob ng mall.

Nagliyab naman ang portable stove habang siya ay nasa loob ng mall, at nadamay ang katabing sasakyan.

May dalawang bata na natutulog ng sandaling iyon sa loob ng nasabing sasakyan.

Iniwan sila ng kanilang nanay sa loob ng sasakyan para magtungo sa mall.

Ang isang batang babae, edad anim na taong gulang, ay namatay sa sunog.

Ang kapatid naman niyang babae na edad siyam na taon ay nasa kritikal na kondisyon. —KG, GMA News