Kahit nasa Amerika, matitikman pa rin ng mga Filipino sa Portland, Oregon ang paboritong almusal sa Pilipinas na pandesal at ilang pang putaheng tatak-Pinoy dahil sa isang panaderya na ang may-ari, tubong-Pangasinan.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing pandesal ang best-seller sa tatlong taon nang bakery na pag-aari ni Bob Ozilla.

Bukod sa pandesal, mayroon din silang ensaymada, suman, empanada, pastillas, toasted siopao, at hopia.

"This is the only bakery in Portland, the closest bakery is in Seattle which is like three hours away. This is built for the Filipinos," sabi ni Ozilla.

Pero hindi lang mga tinapay ang maaaring mabili sa bakery dahil puwede ring mabili sa kanila ang pansit, chicken adobo, bangsilog, tapsilog, longsilog, at tocilog.

Kuwento ni Ozilla, freshly baked lahat ng kanilang mga produkto at siya mismo ang gumagawa.

"What makes us happy is to offer these pastries and bread to the Filipinos and also introduce in to the mainstream Caucasians," saad niya.--FRJ, GMA News