Nagbabala ang U.S. Embassy sa mga nais kumuha ng visa na mag-ingat sa mga manloloko at nagpapakilalang may koneksyon sa kanilang embahada para makakuha ng pera sa mga bibiktimahin.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng mga opisyal ng embahada na nagpapakilala raw ang mga manloloko na may kontak sa loob ng US embassy at nangangakong kaya nilang mapabilis ang pagproseso ng visa application.

Bukod dito, nag-aalok pa umano ang iba ng trabaho sa Amerika.

Kadalasan daw na ang social media ang ginagamit na paraan ng mga scammer upang makahanap ng maloloko.

"The scammers normally would use a variety of social media platforms to push their message to attract their potential customers. They would advertise for example too-good-to-be-true employment offer and part of that pitch that they do is often guarantee over visa," sabi ni Leon Gender, fraud prevention manager, US Embassy, Manila.

Ayon sa mga opisyal, hindi naman mahirap kumuha ng visa para makapunta ng Amerika kaya hindi na kailangang dumaan pa sa mga fixer.

Katunayan, sa 250,000 na nag-apply ng tourist visa, mahigit 200,000 umano ang inaprubahan ang aplikasyon o inisyuhan nila ng visa.

Para mabigyan ng visa, ipinayo ng opisyal ng embahada na dapat patunayan ng aplikante na hindi ka siya mag-t-n-t, o magtatago sa Amerika.

Dapat din umanong magsabi ng totoo sa interview at huwag mamemeke ng anumang dokumento.

"Convince the consular officer during the course of the interview that they intend to abide by the terms of the visa and that they have strong social family economic ties to their country of residence that would compel them to comeback to their country of residence," sabi ni Kimberly Kelly, deputy consul general, US Embassy.

Bukod sa tourist o b1 b2 visa, libo-libo rin daw ang nabigyan ng Amerika ng iba pang uri ng visa gaya ng immigrant, fiancé at student visa.-- FRJ, GMA News