Dahil sa paglabag umano sa mga patakaran at panlilinlang sa mga aplikante, 21 foreign recruitment agencies at direct employers ang hindi na maaaring mag-recruit ng mga Overseas Filipino worker (OFW).

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA news TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, sinabing karamihan sa mga naturang foreign agencies ay  tumanggap ng mga household service workers sa Middle East.

Bukod dito, 19 na Philippine recruitment agencies ang kinansela o sinuspinde na ang lisensya dahil din sa mga paglabag.

"Ito ýung meron nang napagkasunduang employment contract na inaprubahan ng POEA at sang-ayon doon sa minimum labor standards, pero pagdating doon sa post, pinapirma ng panibagong employment contract," sabi ni Bernard Olalia, administrator, Philippine Overseas Employment Administration.

Ang private agencies na suspendido, umaapela pa umano sa Department of Labor and Employment at pinag-aaralan pa kung papayagan sila na muling mag-operate at magpaalis ng mga manggagawa.

"May particular type of work na pinirmahan sa employment contact pero pagdating doon sa destination country, iba ýung binigay na trabaho," ayon kay Olalia.

Suportado ng Coalition of Licensed Agencies for Domestic and Service Workers o CLADS ang paglalabas ng listahan ng mga kanselado o blacklisted na foreign recruitment agencies. Ito ay kahit ilan sa mga suspendidong recruitment agencies ngayon ay miyembro nila.

Ayon sa CLADS, inaapela at naitama na ng kanilang mga miyembro ang mga recruitment violations na naging dahilan ng suspension.

Sinabi ni Lucy Sermonia, presidente ng CLADS,  na tigil ang operasyon ng mga suspindido nilang miyembro hanggang hindi naalis ang suspension order.

Batid daw nilang may mga recruitment agency ang sadyang pasaway na nakakaapekto sa maganda nilang layuning makatutulong din.

Dahil may mga job openings pa rin para sa mga skilled workers sa iba't ibang bansa, payo ng POEA, mas lalo raw dapat mag-ingat ang mga aplikante sa mga ahensiya na kanilang pag-aaplayan.

Payo pa nila, i-check muna sa POEA kung lehitimo ang mga job orders at ang ahensyang pag-aaplayan.--FRJ, GMA News