Inihayag ng kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang inihahandaang kasunduan ng Pilipinas at Canada para sa mga Pinoy skilled worker.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na kasalukuyan siyang nasa Canada para pirmahan nila ng kanilang counterpart doon ang bilateral labor agreement para sa pagpapadala ng mga Pinoy skilled workers.

Kapag naisara ang kasunduan, sinabi ni Bello na maaaring magpadala ng 2,000 Pinoy skilled workers sa Canada bawat taon.

Ginawa niyang halimbawa sa mga skilled workers ang mga caregiver, hotel workers at iba pa.

Bukod sa Canada, sinabi ni Bello na mayroon ding mga trabaho na maaaring aplayan sa Israel at Japan.

Nauna nang iniulat na walang age limit at wala ring language proficiency exam na kailangan para sa mga nais magtrabaho sa hotel at tourism industry sa Israel.--FRJ, GMA News