Inilahad ng Department of Foreign Affairs na inaasikaso na ang pag-uwi sa Pilipinas ng labi ng isang Pinoy na nalunod matapos sagipin ang kaibigan sa isang lawa sa Alberta, Canada.

Sa isang pahayag, sinabi ni Consul General to Calgary Zaldy Patron na nangyari ang insidente noong Agosto 23 sa Lake Syne sa Fort McMurray.

Hindi binanggit ang pangalan ng Pinoy at ang buong detalye ng insidente.

Nakikipag-ugnayan na umano ang Consulate General sa gobyerno ng Canada at sa pamilya ng biktima sa Pilipinas para sa pagbabalik ng labi ng biktima.

Ipinarating naman ng DFA ang pakikiramay nito sa pamilya ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News