Dalawang Pinoy sailor ang kabilang sa 26 katao na nasawi nang sunugin ang isang bar sa Port of Coatzacoalcos sa Veracruz, Mexico, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang pahayag na inilabas sa social media ni Cuitlahuac Garcia, State Governor ng Veracruz, sinabi nito na ang pag-atakeng naganap nitong Aug. 27 ay resulta ng gang war sa lugar.

Sinasabing daanan ng ilegal na droga ang Veracruz patungong US, at isa sa mga pinakamagulong lugar sa Mexico dahil sa magkakalabang grupo.

"The embassy is now in touch with authorities and the Filipino seafarers’ manning agency for the repatriation of their remains," sabi ni Philippine Ambassador to Mexico Demetrio Tuazon.

Nagpahayag ng pakikiramay ang DFA sa pamilya ng dalawang Pinoy, at handa umanong magkaloob ng iba pang ayuda ang kagawaran kung kakailangan.

Hindi muna inilabas ng DFA ang pangalan ng dalawang biktima.

Sa ulat naman ng Reuters, tinawag ni Mexican President Andres Manuel Lopez Obrador ang pag-atake na “horrendous.”

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, isinara ng mga salarin ang labasan ng bar at saka ito sinilaban.

Iniulat naman ng ilang Mexican media na nagpaputok muna ang mga salarin bago sinilaban ang bar pamamagitan ng Molotov cocktails.--FRJ, GMA News